04/02/2026
Maraming beses ko nang narinig ang linyang, “Bakit ang mahal?” “Pwede 300 nalang? 300 lang kasi ang pera ko” Pero sa bawat produkto o serbisyo na inaalok ko, hindi lang presyo ang binabayaran mo kundi kasama diyan ang oras, pagod, puhunan, skills na inaral ko ng ilang taon, at pagmamahal na inilaan ko para makagawa ng maayos at quality output.
Bilang isang small business owner, hindi ko layunin ang yumaman agad. Ang gusto ko lang ay makilala muna at makapagbigay ng quality products na hindi ikakahiya. Kaya hindi ko ibababa ang presyo ko para lang magkasya sa budget ng iba dahil alam ko ang tunay na halaga ng ginagawa ko.
Hindi rin ito pagiging matigas ang ulo kundi paninindigan sa halaga ng sarili kong trabaho. Trabaho ko ito at ito ang bumubuhay saakin. Ang pagiging small business owner ay hindi biro. Mula sa pagplano, pag-produce, pag-market, hanggang sa pakikipag-usap sa customer lahat 'yan AKO LANG ang gumagawa. Kaya sana, sa halip na tumawad agad at mang barat sa mga tulad ko, mas piliin nating suportahan at irespeto ang mga tulad naming nagsusumikap sa sariling kayod.
Suporta hindi lang sa salita, kundi sa pagkilala sa aming halaga. Dahil bawat bili mo sa small business na tulad ko, may pamilyang napapasaya, may pangarap na unti-unting natutupad.