28/11/2023
A HOLIDAY SWITCH
by: Maccheb
8letters
CHAPTER THREE: Season of Love
(continuation...)
Part 9 of 9
Muling humihip ang hangin. Naulinigan ninyo ang isang marahuyong musika mula sa kung saan. Nag-aagaw ang lungkot at sayang walang mapagsidlan.
“Oras na para umuwi, mahal kong lambana. Kami ay nasasabik na sa iyong pagbabalik,” malamyos na tinig ng isang diwata. Tanging siya ang nakarinig noon kaya’t wala kayong ideya sa kaniyang dagling pagkalungkot.
“Oh, bakit parang nalungkot ka?” muli mong tanong. “Halika na’t tulungan mo kaming maghanda para sa salu-salo mamaya. Limang oras na lamang at darating na sina mama para sa noche buena.”
Malungkot na umiling si Fowty. “Patawad, mahal kong Merry, ngunit kailangan ko nang magpaalam. Tinatawag niya na ako. Katulad ng sinabi ko, tapos na ang parusa sa akin. Nang dahil sa iyo, malaya na ako.”
Ikaw naman ngayon at si Max ang nalungkot. Buong akala mo’y hindi na siya mawawala.
“Kailangan mo ba talagang umalis?” malungkot mong tanong.
“Oo, Merry, sapagkat hindi ito ang aking mundo,” paliwanag niya. “Nakikita mo naman ang kaibahan ko. Naisin ko mang manatili ay tapos na ang oras ko at tanging ang aming diwata lamang ang makapagpapasya. Hindi ko ibig na muli pang suwayin siya.”
Muli niyang nasilayan ang pagpatak ng iyong mga luha. Napansin mo na lamang na napakunot ang kaniyang noo.
“Tama na ang pagtangis, Merry, sapagkat makasasama iyan sa iyong kalagayan,” saway niya sa iyo na ipinagtaka mo. “Labis na ang iyong pinagdaanan sa maikling panahon. Ipanatag mo na ang iyong kalooban para sa munting pintig na nasa iyong sinapupunan. Siya ang magpupuno ng anumang kakulangang nararamdaman ninyong dalawa. Hangad ko ang inyong kaligayahan.”
Nagkatinginan kayo ni Max. Napahawak ka sa iyong sinapupunan. Labis ang tuwang iyong naramdaman.
“Matagal ko nang naririnig iyan, subalit kinailangan kong maghintay ng tamang panahon.” Kinindatan ka niya.
“Maraming salamat, Fowty,” maluha-luhang tinuran ni Max. “Sana makasama ka namin ulit. Kung saan ka man patutungo, ingatan mo palagi ang iyong sarili.”
“At ingatan mo rin ang iyong pamilya, Max. Paalam mga kaibigan.”
Muli ninyong nasilayan ang pagliliwanag ng katawan ni Fowty. Kumaway ito sa inyo. Sa isang kisap mata lamang ay mabilis itong lumipad patungo sa bintana at sa labas ay ang iba pang mga lambanang hangin na mistulang mga alitaptap na sumundo sa kaniya. Sinubukan n’yo silang habulin ngunit mabilis silang nawala sa inyong paningin.
Masaya ang naging pagsalubong ninyo sa pasko. Ang inyong mga magulang ay nagkasundo nang malaman nila ang hingil sa pagbubuntis mo. Tila lumambot ang puso ng iyong ina kay Max at ang dalawa’y nagkapatawaran. Nangako silang babawi sa isa’t isa.
Marami ngang nangyari sa loob ng maikling panahon lamang. Nagulat ka man sa iyong mga natuklasan ay ipinagpapasalamat mo ang isang magandang karanasan. Tuluyan na ngang nagbalik ang dating Max at ngayon ay mas minahal ka pa niya at ganoon ka rin sa kaniya. Umaasa kang ito na ang simula ng pagbuo ninyo sa pangarap n’yong pamilya. At wala nang mas gaganda pang regalo kaysa sa mga natanggap mo sa araw ng pasko. Hindi mo man magagawang ibahagi sa iba ang lahat, lalo na ang tungkol sa lambanang hangin, ipinagmamalaki mo siya.
Lumipas pa ang ilang araw at hindi na nga siya nagbalik. Subalit ipinagdarasal mo pa ring sana’y masaya ito at naaalala ka.
Lingid sa iyong kaalaman, may nanonood sa iyong pangungulila.
***