21/09/2025
“𝑪𝒓𝒐𝒄𝒉𝒆𝒕 𝒉𝒐𝒐𝒌 𝒂𝒏𝒈 𝒉𝒂𝒘𝒂𝒌 𝒌𝒐, 𝒔𝒊𝒏𝒖𝒍𝒊𝒅 𝒂𝒚 𝒈𝒊𝒏𝒕𝒐. 𝑷𝒐𝒏𝒅𝒐 𝒏𝒈 𝒃𝒂𝒚𝒂𝒏, 𝒉𝒖𝒘𝒂𝒈 𝒏𝒊𝒏𝒚𝒐 𝒔𝒂𝒏𝒂𝒏𝒈 𝒊𝒕𝒂𝒈𝒐!”
🧶✊
Bilang crocheter, bawat hibla ng yarn na hawak ko ay mahalaga. Pinag-iipunan, pinapahalagahan, at ginagawang obra na nagbibigay ngiti sa ibang tao. Pero paano kung ang mismong pondo ng bayan— na mas mahalaga pa sa sinulid na ito ay ninanakaw at itinatago? Ang resulta? Hindi obra kundi problema. Hindi saya kundi baha. Hindi ginhawa kundi sakuna.
Ang bumabahang yarns sa mesa ko ang mas ikatutuwa ko at hindi ang bumabahang tubig sa loob ng kwarto’t bahay namin, sa tapat naming kalsada, at sa buong komunidad dahil sa kakulangan ng matinong flood control. Nakakapanghina isipin na ang pondong dapat sana’y proteksyon natin laban sa baha, ay ninanakaw at binubulsa ng iilan. Habang tayo ay nagtitipid para makabili ng yarn at magpatuloy sa ating munting hanapbuhay, sila naman ay hindi nahihiyang magwaldas ng perang hindi sa kanila.
Ang crochet ay simbolo ng tiyaga, pasensya, at malikhaing paggamit ng bawat hibla. Dapat ganoon din ang gobyerno— may sipag, may malasakit, at may integridad sa bawat pisong hawak nila. Pero ang nakikita natin ngayon ay kabaligtaran. Ang bawat kulang na proyekto, ang bawat di natapos na flood control, ay hiblang putol na nag-iiwan ng sugat sa sambayanan. At tulad ng sinulid na kapag nawala ang isang parte ay madaling magkapunit, ganoon din ang bayan natin: 𝘮𝘢𝘥𝘢𝘭𝘪𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘮𝘪𝘨𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨 𝘱𝘪𝘯𝘢𝘨𝘴𝘢𝘴𝘢𝘮𝘢𝘯𝘵𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘯.
Hindi tayo 𝘮𝘢𝘯𝘢𝘯𝘢𝘩𝘪𝘮𝘪𝘬. Hindi lang ito tungkol sa yarn, kundi tungkol sa 𝘬𝘪𝘯𝘢𝘣𝘶𝘬𝘢𝘴𝘢𝘯. Kung kaya natin pagdugtung-dugtungin ang bawat hibla para makagawa ng bagay na kapaki-pakinabang, bakit hindi nila kayang buuin ang tiwala at seguridad ng taumbayan gamit ang perang atin mismong pinaghirapan? Wala sa kanila ang karapatang itago at ibulsa ang pondong dapat 𝘱𝘢𝘳𝘢 𝘴𝘢 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵.
Kaya muli kong uulitin:
“𝐂𝐫𝐨𝐜𝐡𝐞𝐭 𝐡𝐨𝐨𝐤 𝐚𝐧𝐠 𝐡𝐚𝐰𝐚𝐤 𝐤𝐨, 𝐬𝐢𝐧𝐮𝐥𝐢𝐝 𝐚𝐲 𝐠𝐢𝐧𝐭𝐨. 𝐏𝐨𝐧𝐝𝐨 𝐧𝐠 𝐛𝐚𝐲𝐚𝐧, 𝐡𝐮𝐰𝐚𝐠 𝐧𝐢𝐧𝐲𝐨 𝐬𝐚𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐢𝐭𝐚𝐠𝐨!”